Dumating ang mga kompyuter at dumulog na nanghihikayat. Sa mabuti nilang
hikayat na diumano, tayo'y ipakikilala sa lalong karahasan, at lalong lalawakin
ang ating imahinasyon, ang nasabing aktibo ay nangyaring nalamuyot sa ganda ng
kanilang mahika sa pakikipagdigmaan. Gayon man, sila'y ipinailalim sa taal na
kaugalian ng mga Pilipino na kaadikan at pinapagtibay ang kanilang pagpupuyat
sa pamamagitan ng isang panunumpa na maglalaro ng maraming oras sa
kani-kanilang mga bahay, at yao'y masaya't lalaruin nilang kapwa, tanda ng
tunay at lubos na paglalaro na hindi magtetext sa girlfriend. Ito'y siyang
tinatawag na DotA ng War Craft at ni Eul na kinaaadikan ng kalalakihan sa
kompyuteran.
Buhat nang ito'y mangyari ay bumibilang na ngayon sa tatlong dantaong
mahigit na ang lahi ni Eul ay ating binubuhay sa lubos na kaadikan; ating pinapadami
at pinapagalitan, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan. Ginugugol
natin ang yaman, tulog at oras ng buhay sa pagbubuhay sa kanila; kinakahamok
natin sampu ng tunay na mga kababayan na ayaw pumayag na sa kanila ay pasakop,
at gayon din naman nakipagbaka tayo sa mga cellphone at mga playstation na
nagbalak na umagaw sa kanila nitong kabataan.
Ngayon, sa lahat ng ito, ano ang sa mga ginawa nating paggugugol ang
nakikitang kaginhawahang ibinigay sa ating Bayan? Ano ang nakikita nating
pagtupad sa kanilang kapangakuan na siyang naging dahilan ng ating paggugugol?
Wala kundi pawang kataksilan ang ganti sa ating mga pagpapala. At ang mga
pagtupad sa kanilang ipinangakong tayo ay lalong lelevel-up sa kagalingan?
Bagkus tayo'y binulag, inihawa tayo sa kanilang hamak na asal, pinilit na
sinira ang mahal at magandang ugali ng ating kabataan. Iminulat tayo sa isang
maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating
kabataan.
At kung tayo'y mangahas humingi ng kahit gabahid na lingap, ang nagiging
kasagutan ay ang tayo'y itapon at ilayo sa piling ng ating minamahal na mga magulang,
pamilya at magandang pag-aaral. Ang bawat isang himutok na pumulas sa ating
dibdib ay itinuturing na isang malaking distorbo at karakarakang nilalapatan ng
malahayop na pagmumura.
Ngayon, wala nang maituturing na kapanatagan sa ating pamamayan. Ngayon,
lagi nang ginagambala ang ating
katahimikan ng umaalingawngaw na atake at mura, buntong-hininga at hinagpis ng
manlalaro na natalo, nobya't mga magulang ng mga kabataang ipinanganyaya ng mga
manlulupig na kompyuter.
Ngayon, tayo'y malulunod na sa nagbabahang luha ng Ina sa nasakupan na
buhay ng anak, sa pananangis ng nobya na pinangulila ng kaadikan, na ang bawat
patak ay katumbas ng isang paglalarong oras na sumasalang sa kompyuterang
mahigpit ng ating nagwawaging kapitbahay. Ngayon, lalo't lalo tayong nilulunod
ng larong nakakaadik sa bawat lalaking may iniingatang kapurihan.
Ano ang nararapat nating gawin?
Ang araw ng katwiran na sumisikat sa Silanganan ay malinaw na itinuturo
sa ating mga matang malaong nabulagan ang landas na dapat nating tunguhin. Ang
liwanag niya'y tanglaw sa ating mga mata upang makita natin ang mga kamayng nagbigay
ng allowance alay sa atin ng mga ganid na asal.
Itinuturo ng katwiran na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo't
lalong katamaran, lalo't lalong katabaan, lalo't lalong kaadikan, at lalo't
lalong kaguluhan.
Itinuturo ng katwiran na huwag nating sayangin ang panahon sa paglalaro
sa kompyuterng nakakabangag na hindi nakakatulong at hindi mabuti.
Itinuturo ng katwiran na tayo'y umasa sa ating sarili at huwag sayangin
sa iba ang ating kalakasan.
Itinuturo ng katwiran na tayo'y magbalik, magsipag at sumubok, at tayo'y
muli na maglaro ng patintero ang naghaharing laro sa ating Bayan.
Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan.
Panahon nang dapat nating ipakilala na tayo'y may sariling lakas, may
puri, may hiya at pagdadamayan.
Ngayon, panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at
dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan.
Panahon na ngayong dapat makilala ng mga kabataan ang pinagmulan ng kanilang
mga kasiyahan. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat takbo natin ay lumalakas
tayo at nahahasa sa mabilis na paraan ng hindi na sa atin ay mauumang ng mga
kaaway.
Kaya, O mga kabataan! Ating idilat ang nabulag na kaisipan, at kusang
igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na paglalaro na
magtagumpay sa totoong laro ng bayang tinubuan.
No comments:
Post a Comment